Tuesday, October 19, 2010

Itay, ano ba ang kalikasan?


Ang kuwentong inyong matutunghayan ay nangyari sa isang probinsiya sa Norte.

Isang araw na walang pasok sa eskuwelahan ang batang lalaki na tatawagin nating si Boy Jimel, ay tumabi sa kanyang tatay na kasalukuyang naghihibi ng pawid at naitanong: Itay, ano ba ang kalikasan?

Ang amang si Ka Igme ay nagulat na tanungin ng isang walong taong gulang at nasa ikalawang gradong bata!

Bakit mo naitanong anak?

Kasi po sabi ng titser ko babantayan daw at aalagaan namin ang kalikasan dahil kami din daw ang makikinabang balang araw, ayaw namang sabihin sa amin kung sino ba yung kalikasan na babantayan namin at itanong na lang daw sa aming mga magulang...

Ang lugar nila Ka Igme ay lugar ng mga nagkakaingin o naguuling, at karamihan na sumasama sa nagtrotroso, at isa si Ka Igme na sumasama doon pag walang nagpapagawa ng pawid...

Ang kalikasan anak ay ang mga bagay na nakikita mo sa paligid katulad ng mga puno sa kagubatan, at kabilang ka din doon dahil ikaw ay likas na tao....

Bakit sabi bantayan namin e hindi naman yun umaalis (Puno) at paano ko babantayan ang sarili ko, puno lang ba at ako ang babantayan ko tatay?

Mayroon pa, ang ating mga ilog at dagat, ang mga hayop sa gubat, mga isda, at ibon, ang ating hangin.... na mga likas na bagay na bigay ng ating "Diyos", kaya sila ay likas o kalikasan dahil "Diyos" lang ang tanging makagagawa sa kanila....

E paano ko sila babantayan at aalagaan e ang laki-laki nila, maliit pa naman ako, at hindi naman sila nanakawin, saka ako, di ba ikaw ang magbabantay dahil tatay kita....

Si ka igne ay kahit papaano ay nakatapos ng high school kaya alam niya ang tinutumbok ng titser ni Boy Jimel.....dahil isa siya sa sumisira ng kalikasan, kaya pagalit na...bakit ka ba tanong ng tanong, bakit hindi ang titser mo ang tanungin mo.....binabayaran sila sa trabaho nila, bakit sa mga magulang ipinatatanong?

Nagulat ang bata sa pasigaw na sagot ng kanyang ama at patakbong umiiyak na pumanhik ng bahay......ang ama dahil mahal na mahal ang anak ay sinundan at sabing, halika na anak at sasagutin ko na yung mga tanong mo....ang bata kahit umiiyak ay natigilan at sabi....talaga, itay?

Oo nga, kaya bumaba ka ulit at mag-usap tayo.....tuwang-tuwa naman ang bata ay patakbong bumaba....

Alam mo anak, ang sinasabi ng titser mo ay sa paglaki mo, hindi ngayon na maliit ka pa, kaya sa paglaki mo dapat hindi ka puputol ng mga puno sa kagubatan dahil likas sa kanila ang sumipsip ng mga tubig ulan para huwag magbaha sa kabayanan....

Pababayaan mo lang na dumami ang mga hayop at ibon sa kagubatan at huwag papatayin dahil nakakatulong sila sa pagdami ng mga mikrobyong kailangan ng mga likas na buhay na bagay sa kagubatan para sila ay mabuhay, ang tawag sa englis ay eco-system...

Ano pa itay, sabi mo ilog at dagat dapat din bantayan?

Ang mga ilog at dagat ay huwag mong patatapunan ng mga kemikal na nakakalason o mga basura dahil namamatay ang mga isda, at kung hindi naman mamatay ay mapanganib naman sa mga likas na taong kumakain nito....

At marami pang iba na dapat mong bantayan dahil kayo ang makikinabang nito at ang mga magiging apo ko sa iyo.....

Naiintindihan ko na tatay.....pero mali ang titser ko.....bakit naman mali, aber, sabi ng tatay....

Sabi niya dapat bantayan at alagaan namin ang kalikasan dahil kami din ang makikinabang nito....at tama yung sinabi mo tatay na kami ng magiging apo mo sa akin ang makikinabang kung gagawin ko iyon, di ba?

E maliit pa ako kaya hindi ko yung magagawa di ba....kaya ang mali ng titser ko, hindi kalikasan ang dapat ko bantayan kung hindi ikaw...itay!

Ha...bakit naman ako?

Kasi lagi kang umaalis na dala yung malaki nating lagare, at minsan dala mo yung baril mo na pinambabaril ng ibon, minsan naman pag mangingisda ka may dala kang pampasabog.....yung mga basura natin diyan mo lang tinatapon sa katabi nating ilog....kaya ikaw ang babantayan ko para huwag mo na iyong gagawin ulit, di ba itay?

Kasi kung patuloy mo iyong gagawin, nangangahulugan na hindi mo ako mahal at ang magiging apo mo sa akin.....

Natigilan ang tatay at maluha-luhang sabi kay boy Jimel....oo nga anak, ngayon ko napagisip-isip na maaring mapahamak tayo kung patuloy akong sasama sa pagputol ng punong-kahoy sa gubat gawa ng pagbaha...ang patuloy kong pag-gamit ng dinamita sa dagat...baka mapahamak pa ako...e, di hindi ko nakita magiging apo ko sa iyo....

Aayusin ko na lang yung lupang minana natin sa lolo mo, at ang itatanim ko ay organiko, alam mo yun....huwag mo nang itanong anak at sasabihin ko na lang sa iyo... ang organikong pagtatanim ay nakakatulong sa ating nalalanghap na hangin dahil hindi tayo gagamit ng kemikal na siyang pinakamalakas na sumira ng hangin, at lulusog pa at hindi magkaka-kanser ang mga taong kakain...dahil ito ay likas na bagay na siyang ginagawa na ng lolo mo noong hindi pa ako isinisilang at walang namamatay sa sakit noon liban lang sa sobra na ang katandaan, kaya makikita ko pa ang magiging apo mo, he he he.....

Tapat sa kanyang sinabi, si Ka Igme ngayon ang may pinakamalaking taniman ng organikong pananim sa Norte, at si boy Jimel ay malapit ng matapos ng high school, ang kanyang titser...asawa na ngayon ng kanyang tatay at naging pangalawang ina niya....dahil biyudo na si ka Igme noong tinanong ni Boy Jimel ang kayang tatay ng:

Itay, ano ba ang kalikasan?


Itong maigsing kuwento ay ginawa para sa grupong "Kalikasan at Wikang Filipino" na inyong makikita sa facebook.com