Tuesday, October 19, 2010

Itay, ano ba ang kalikasan?


Ang kuwentong inyong matutunghayan ay nangyari sa isang probinsiya sa Norte.

Isang araw na walang pasok sa eskuwelahan ang batang lalaki na tatawagin nating si Boy Jimel, ay tumabi sa kanyang tatay na kasalukuyang naghihibi ng pawid at naitanong: Itay, ano ba ang kalikasan?

Ang amang si Ka Igme ay nagulat na tanungin ng isang walong taong gulang at nasa ikalawang gradong bata!

Bakit mo naitanong anak?

Kasi po sabi ng titser ko babantayan daw at aalagaan namin ang kalikasan dahil kami din daw ang makikinabang balang araw, ayaw namang sabihin sa amin kung sino ba yung kalikasan na babantayan namin at itanong na lang daw sa aming mga magulang...

Ang lugar nila Ka Igme ay lugar ng mga nagkakaingin o naguuling, at karamihan na sumasama sa nagtrotroso, at isa si Ka Igme na sumasama doon pag walang nagpapagawa ng pawid...

Ang kalikasan anak ay ang mga bagay na nakikita mo sa paligid katulad ng mga puno sa kagubatan, at kabilang ka din doon dahil ikaw ay likas na tao....

Bakit sabi bantayan namin e hindi naman yun umaalis (Puno) at paano ko babantayan ang sarili ko, puno lang ba at ako ang babantayan ko tatay?

Mayroon pa, ang ating mga ilog at dagat, ang mga hayop sa gubat, mga isda, at ibon, ang ating hangin.... na mga likas na bagay na bigay ng ating "Diyos", kaya sila ay likas o kalikasan dahil "Diyos" lang ang tanging makagagawa sa kanila....

E paano ko sila babantayan at aalagaan e ang laki-laki nila, maliit pa naman ako, at hindi naman sila nanakawin, saka ako, di ba ikaw ang magbabantay dahil tatay kita....

Si ka igne ay kahit papaano ay nakatapos ng high school kaya alam niya ang tinutumbok ng titser ni Boy Jimel.....dahil isa siya sa sumisira ng kalikasan, kaya pagalit na...bakit ka ba tanong ng tanong, bakit hindi ang titser mo ang tanungin mo.....binabayaran sila sa trabaho nila, bakit sa mga magulang ipinatatanong?

Nagulat ang bata sa pasigaw na sagot ng kanyang ama at patakbong umiiyak na pumanhik ng bahay......ang ama dahil mahal na mahal ang anak ay sinundan at sabing, halika na anak at sasagutin ko na yung mga tanong mo....ang bata kahit umiiyak ay natigilan at sabi....talaga, itay?

Oo nga, kaya bumaba ka ulit at mag-usap tayo.....tuwang-tuwa naman ang bata ay patakbong bumaba....

Alam mo anak, ang sinasabi ng titser mo ay sa paglaki mo, hindi ngayon na maliit ka pa, kaya sa paglaki mo dapat hindi ka puputol ng mga puno sa kagubatan dahil likas sa kanila ang sumipsip ng mga tubig ulan para huwag magbaha sa kabayanan....

Pababayaan mo lang na dumami ang mga hayop at ibon sa kagubatan at huwag papatayin dahil nakakatulong sila sa pagdami ng mga mikrobyong kailangan ng mga likas na buhay na bagay sa kagubatan para sila ay mabuhay, ang tawag sa englis ay eco-system...

Ano pa itay, sabi mo ilog at dagat dapat din bantayan?

Ang mga ilog at dagat ay huwag mong patatapunan ng mga kemikal na nakakalason o mga basura dahil namamatay ang mga isda, at kung hindi naman mamatay ay mapanganib naman sa mga likas na taong kumakain nito....

At marami pang iba na dapat mong bantayan dahil kayo ang makikinabang nito at ang mga magiging apo ko sa iyo.....

Naiintindihan ko na tatay.....pero mali ang titser ko.....bakit naman mali, aber, sabi ng tatay....

Sabi niya dapat bantayan at alagaan namin ang kalikasan dahil kami din ang makikinabang nito....at tama yung sinabi mo tatay na kami ng magiging apo mo sa akin ang makikinabang kung gagawin ko iyon, di ba?

E maliit pa ako kaya hindi ko yung magagawa di ba....kaya ang mali ng titser ko, hindi kalikasan ang dapat ko bantayan kung hindi ikaw...itay!

Ha...bakit naman ako?

Kasi lagi kang umaalis na dala yung malaki nating lagare, at minsan dala mo yung baril mo na pinambabaril ng ibon, minsan naman pag mangingisda ka may dala kang pampasabog.....yung mga basura natin diyan mo lang tinatapon sa katabi nating ilog....kaya ikaw ang babantayan ko para huwag mo na iyong gagawin ulit, di ba itay?

Kasi kung patuloy mo iyong gagawin, nangangahulugan na hindi mo ako mahal at ang magiging apo mo sa akin.....

Natigilan ang tatay at maluha-luhang sabi kay boy Jimel....oo nga anak, ngayon ko napagisip-isip na maaring mapahamak tayo kung patuloy akong sasama sa pagputol ng punong-kahoy sa gubat gawa ng pagbaha...ang patuloy kong pag-gamit ng dinamita sa dagat...baka mapahamak pa ako...e, di hindi ko nakita magiging apo ko sa iyo....

Aayusin ko na lang yung lupang minana natin sa lolo mo, at ang itatanim ko ay organiko, alam mo yun....huwag mo nang itanong anak at sasabihin ko na lang sa iyo... ang organikong pagtatanim ay nakakatulong sa ating nalalanghap na hangin dahil hindi tayo gagamit ng kemikal na siyang pinakamalakas na sumira ng hangin, at lulusog pa at hindi magkaka-kanser ang mga taong kakain...dahil ito ay likas na bagay na siyang ginagawa na ng lolo mo noong hindi pa ako isinisilang at walang namamatay sa sakit noon liban lang sa sobra na ang katandaan, kaya makikita ko pa ang magiging apo mo, he he he.....

Tapat sa kanyang sinabi, si Ka Igme ngayon ang may pinakamalaking taniman ng organikong pananim sa Norte, at si boy Jimel ay malapit ng matapos ng high school, ang kanyang titser...asawa na ngayon ng kanyang tatay at naging pangalawang ina niya....dahil biyudo na si ka Igme noong tinanong ni Boy Jimel ang kayang tatay ng:

Itay, ano ba ang kalikasan?


Itong maigsing kuwento ay ginawa para sa grupong "Kalikasan at Wikang Filipino" na inyong makikita sa facebook.com

Sunday, September 19, 2010

Ang larawan ng bandila sa basurahan!



Ang larawan ng bandila sa basurahan!

Ano po ba ang ginagawa ng ating bandila sa basurahan? Base sa aking pananaliksik, ito pong larawan ay kuha sa isang tapunan ng basura sa isang lugar sa Baguio, at sa paliwanag ng kumuha ng larawan na ngayon ay ayaw ng magpakilala ay nakuha daw ng mga scavenger o namumulot ng basura ang bandilang nasa larawan, at nilabhan, tinahi ang sira, at itinulos sa isang kawayan bilang pagkilala at pag-galang.....

Biruin ninyo, mga pulubi ang mga marunong gumalang sa ating bandila, sino kaya ang nagtapon? Sa pag-gawa natin ng grupo sa facebook at itong larawan na ito ang aking ipinoste ng sa gayun at malaman ng ating mga kababayan na kahit na ang mga pulubi na hindi man lang nakapag-aral ay murunong ding gumalang at dumakila sa isang sagisag ng ating bansa!

Nakakalungkot ano po, siguro ang nagpatapon nito ay isang prinsipal ng eskuwelahan, isang direktor sa sangay ng gobyerno, o isang mayor ng siyudad, dahil hindi ito basta-basta itatapon ng walang pahintulot ng mga nakakataas dahil baka sila makasuhan.....

Sa paglalagay natin ng larawan nito sa facebook ay napaka-imposibling hindi nakita ng isang mambabatas na nagkaroon ng ideya na gumawa ng batas para dito, ang pag-galang sa bandila ng Pilipinas at pagbabawal ng pag-iba ng tono ng ating wikang pambansa.....bakit po kaya nila ito naisip.....di kaya dahil sa larawan?

Sino po ang lumalabas na tunay na bayani dito o dapat bigyan ng parangal dahil sa pagkakasulong ng batas para sa paggalang sa bandila at pagpapanatili ng himig ng ating "Pambansang Awit", ako po ba, yung kumuha ng larawan o yung mambabatas na nagsulong?

Wala po sa amin, kung hindi narito sa mga pulubing nagkaisip na hindi gawing basahan ang punit na bandila, kundi ito ay labhan, tahiin, at itulos ng sa gayun ay makilala ng ating mga nanunungkulan sa gobyerno na sila ay mga "Pilipino" din na marunong ding magmahal sa ating bansa kahit na ang trabaho nila ay marumi at napakahirap.

Ipinauunawa lang nila sa ating mga kababayan na sila ay mararangal na tao din at hindi gumagawa ng katarantaduhan sa kanilang kapwa.....

Ating ginamit ang larawang ito para sa ating grupong "Pagkilos para Sagipin ang Kalikasan sa Pilipinas" dahil ito ay sumisimbolo ng mahihirap at mararangal na tao na siyang dapat sa panahong ito na hindi na dapat ang mga plastik na tao ang ating gamitin sa tunay na "Pagkilos para Sagipin ang Kalikasan sa Pilipinas", maraming nagboboluntaryo sa pagtulong sa ating kalikasan pero ito ay puro lang kaplastikan at ginagawa lang para makilala o kaya magkapera.....

Totoo po ba o hindi.....Ang mga miyembro ng ating "Guardians Stop Global Warming Foundation, Inc." ay karaniwang mahihirap pero mararangal, ako na mismo bilang kanilang Chairman ang pumipigil sa kanila sa pagbubulontaryo sa pagtulong sa ating kalikasan kung sila ay may mga trabahong ginagawa para naman ikabuhay ng kanilang pamilya.....

Kung kami ay kumilos ay tahimik...hindi namin ibinabandurya sa mundo na lilinisin namin ang ganitong lugar, dahil kami-kami lang ang tunay na kumikilos, na napapasama pa....bakit po ba?

Ganito po iyon...minsan ay nilinis namin ang isang creek o malaking kanal na barado na sa isang lungsod na sinasakop ng "National Capital Region", na sobrang napakabaho na at barado dahil dinudumihan (Tae) na ng mga tao ang sugpungan, o linisan o drainage ng creek na iyon.....

Sa tingin ninyo ba malilinis ito ng mano-mano katulad ng pagkalaykay, paghuhukay at pagsundot ng bara lamang....hindi po di ba...dahil tiyak na lalong babaho ang kanilang lugar...kaya dapat gamitin namin ang aming teknolohiya.....sa awa ng Diyos, sa loob ng apat na araw ay nawala ang amoy na hindi maganda at nawala ang mga basura sa creek na ito......pero alam ba ninyo ang kapalit ng pagboboluntaryo ng aming mga miyembro sa lugar na iyon?

Malas, sa kamalas-malasan na hindi katangap-tangap.....nainis ang mga nanunungkulan sa kanilang Barangay at bakit daw nilinis iyon ng hindi nila alam, sana daw ay nailathala sa diyaryo o nagpatawag ng media para malaman ng munisipyo na sila ay nagtratrabaho din.....

At kaya daw nila hindi iyon malinis ay dahil daw sa mga eskuwater sa tabi nitong creek na hindi makadaan ang traktora....wala naman sila daw trabahador para gawin ang ginawa namin......

Nakakalungkot ano po...wala pala silang pang-upa ng trabahador at inaasahan din ang mga nakatira sa squater....dahil dapat daw iyon ang mga naglilinis ng creek....sabagay may katwiran sila....pero sino ba ang nagpatira doon....wala ba silang kinalaman?

Ang masakit pina-alis ang mga eskuwater doon at humiram ng traktora at nilinis ang nalinis na....at ang masakit pa, napakarami ng pina-alis pero isang bahay lang pala ang dapat...dahil doon nila nilagay ang traktora.....nagalit pa tuloy sa amin ang mga eskuwater.......pero ito ay noong bago pa lang ang aming Foundation kaya siguro pinabalik na ulit ang mga eskuwater, kailangan nila ang boto hindi po ba, rehistrado yung mga eskwater sa Barangay nila....lalo na ngayong malapit na naman ang "Barangay Election".....ngayon tao po ba ang mga nanunungkulan sa Barangay o Plastik?????

Sa ngayon ay nagpaparami kami ng miyembro, ang kailangan namin ay mahihirap na walang sapat na pagkakakitaan ngunit mararangal na tao dahil bibigyan na natin sila ng tunay na trabaho para gumamit ng aming mga teknolohiya, at gayundin ang mga taong may mabubuting kalooban na gusto talagang tumulong sa ating kalikasan, na hindi para makilala lang.....ng hindi kaplastikan lamang......marami pa tayo nito sa bansa natin...

Kailangan na sila ng ating kalikasan......ang mga mahihirap na mararangal at mararangal na tunay na tutulong.....sa ating kalikasan!!!!!!!!!

Salamat po sa mga nagbasa, sana po ay tulungan kaming ikalat itong blog, GOD Bless po sa lahat!

Jaime Leandro F. Reyes

Ang susunod na blog: Pagmimiyembro sa internet sa ating Foundation!